Buy-bust operation sa Quezon City nauwi sa engkwentro makaraang manlaban ang suspek

Kuha ni Justinne Punsalang

Dead on arrival sa Quezon City General Hospital ang isang lalaking drug suspect matapos maka-engkwentro ang mga pulis sa Visayas Avenue sa lungsod Quezon.

Kinilala ang napatay na suspek na si Bryan Montawan, 23 taong gulang.

Kwento ng nagtitinda ng barbecue na si Ruel Pacho na nakasaksi sa pagdating ni Montawan at mga kasama, napansin niyang dumating sa tapat ng isang bar ang sasakyan ng mga suspek. Nakita niyang basag ang salamin ng sasakyan at nakabukas ang mga pintuan nito.

Ani Pacho, agad na nagtakbuhan ang apat na sakay ng kotse papalayo at hindi kalaunan ay dumating naman ang mga pulis.

Ayon naman kay Police Superintendent Igmedio Bernaldez na siyang hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 11, nagsagawa ng buy bust operation ang kanyang mga tauhan sa panulukan ng Tandang Sora Avenue at Congressional Avenue. Sa kalagitnaan ng transaksyon ay natunugan umano ng grupo ni Montawan na pulis ang katransaksyon kaya agad na tumakas.

Tinugis ng mga pulis ang mga suspek at pagdating sa Visayas Avenue, nang tatakas na ang may tama ng bala na si Montawan ay umamba itong babarilin ang mga pulis. Kaya naman nagpaputok na rin ang mga otoridad na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek.

Si Montawan ang pangunahing target ng operasyon.

Sa 50 gramo ng shabu na dapat ay bibilhin ng poseur buyer mula sa mga suspek ay 4 na sachet lamang ang narekober, bukod pa sa isang kalibre 38 baril.

Patuloy naman na tinutugis ang tatlo pang mga kasamahan ni Montawan.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...