Nahilo at nagsuka ang 31 manggagawa sa Rizal, Nueva Ecija matapos kumain ng halo-halo.
Nagpahinga muna ang mga manggagawa sa isang bukid sa Barangay Estrella.
Ayon kay Chief Insp. Manuel Catacutan, hepe ng pulisya sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija, kumain ang mga biktima ng halo-halo na inihain ng may-ari ng sakahan na si Lina Guting, kaninang10:30 ng umaga.
Isang oras matapos kainin ito, nagsuka na ang mga manggagawa kaya sila itinakbo sa Rural Health Unit.
Kalaunan, inilipat din sila sa Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.
Nakalabas naman na sa pagamutan ang 31 manggagawa.
Ayon kay Catacutan, hindi maghahain ng kaso ang mga ito laban kay Guting.
Naospital din si Guting at ang kanyang pamilya.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang sanhi ng insidente.