Unanimous ang naging boto sa komite sa Expanded Senior Citizen Social Pension Act na pinagsanib na bersiyon ng walong panukala.
Ayon kay Committee Chairman Sol Aragones, itinataas nito sa P1,000 kada buwan ang pensyon ng mga nakatatanda mula sa kasalukuyang P500.
Nakasaad sa panukala na kasama sa mabibiyayaan nito ang mga nakatatanda kung wala na silang pinagkakakitaan o kaya naman ay P3,500 lamang ang natatanggap nilang pensyon sa SSS o GSIS kada buwan.
Samantala, inaprubahan na rin ng komite ni Aragones ang Anti-Elderly Abuse Act na nagpapataw ng mabigat na parusa sa anumang uri ng pag-abuso sa nakatatanda.
Sa ilalim nito, ang anumang pag-abuso sa senior citizen ay ituturing ng aggravating circumstance sa ilalim ng Revised Penal Code.
Bukod sa pagkakakulong, magmumulta rin ang akusado ng mula P100,000 hanggang P300,000.