Robredo dismayado sa malaswang performance sa pagtitipon ng LP sa Laguna
Maging ang pinupuntirya ng Liberal Party na maging vice presidential candidate ng partido na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ay dismayado sa pagsasayaw ng tatlong babae matapos ang oath-taking ng mga bagong miyembro ng partido kasabay ng kaarawan ni Congressman Benjie Agarao.
Ayon kay Robredo, dapat ay walang puwang sa partido ang kahit na anong gawain na yuyurak sa karapatan ng mga kababaihan. “Dapat walang puwang sa aming partido ang kahit anong gawain na niyuyurakan ang karapatan at dignidad ng kababaihan,” ang maiksing reaksyon ni Robredo.
Ang pagsasayaw ay nangyari pagkatapos ng oath-taking ng mga bagong miyembro ng LP sa tahanan ng mga Agarao sa Sta. Cruz Laguna.
Nainsulto din ang ilang kababaihan na miyembro ng LP sa nangyari sa nasabing pagtitipon.
Ayon kina Deputy Speaker Henedina Abad, Mindoro Oriental Representative Josephine Sato at LP Ally Akbayan Representative Kaka Bag-ao malaking insulto umano sa maraming kababaihan ang klase ng pagsasayaw na ginawa ng mga sexy dancers.
Ayon pa sa mga babaeng LP members, kinokondena nila ang nangyari.
Batid din umano ng mga miyembro ng LP na may mga gimik na nangyayari sa mga ganitong klase ng selebrasyon. Pero ang nangyari umano sa event sa Laguna ay hindi dapat palampasin ng LP at dapat imbestigahan.
Samantala, sinabi ng grupong Gabriela na dapat humingi ng paumanhin si MMDA Chairman Francist Tolentino na sinasabing nagregalo ng tatlong kababaihan na sumayaw sa nasabing party.
Ayon kay Gabriela secretary general Joms Salvador, nakababahalang nagmula pa sa isang opisyal ng pamahalaan na nag-aambisyon na tumakbong senador ang nasabing insidente na pinag-ugatan ng kontrobersiya.
Dahil dito, sinabi ni Salvador na marapat na humingi ng paumanhin si Tolentino hindi lang sa mga babae na ginawa niyang “pang-regalo” kundi maging sa lahat ng mga taong hindi natuwa sa ginawa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.