Sa kulungan ang bagsak ng 23 fixers na nagbebenta ng passport appointment slots sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD).
Ang pag-arestado sa mga suspek ay bunsod na rin ng hiling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa SPD na imbestigahan ang naturang scam.
Nabatid kasi na habang pahirapan ang pagkuha ng slots sa online appointment system ng DFA ay may mga fixer na tila paninda kung ilako ang naturang appointment slot sa mga nag-a-apply ng pasaporte.
Sa isinagawang surveillance ng SPD, lumalabas na nagkakaroon ng VIP treatment ang aplikante sa pamamagitan ng endorsement letter mula sa high ranking official at pag-reserve ng slot mula sa contact ng fixer sa opisina ng DFA.
Upang mapabalis ang pagproseso ng passport, kinakailanhan ng P7,000 na initial payment sa isang fixer na matatagpuan sa Macapagal Avenue.
Ang mga aplikante ay pinagbibihis ng formal attire at dadaan sa interview sa agency. Matapos nito ay ipapaliwanag ng interviewer na mapo-postpone ang kanyang aplikasyon habang pinoproseso naman ito sa loob ng DFA ng kanilanh insider.
Upang matapos na ito, naglunsad ng tatlong magkakasunod na entrapment operation ang SPD sa ASEAN, Paranaque City; Libertad, Pasay City at Gate 3 Plaza, Taguig City.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9485 at estafa.