Task Force binuo para imbestigahan ang pagsabog sa Basilan
Bumuo na ng special investigating task group para alamin ang tunay na motibo sa naganap na roadside bombing kahapon sa Isabela City, Basilan.
Ayon kay Zamboanga Peninsula Police Director Chief Supt. Miguel Antonio, binuo ang probe team para maalis dinang duda na bias ang isinasagawang imbestigasyon dahil mga personalidad ang sangkot sa insidente.
Tatlo aniya ang mga motibong kanilang ikinukunsidera, kabilang na ang pulitika, terorismo at pangingikil.
Ayon kay Antonio, batay sa kanilang pakikipag-usap kay Isabela City Mayor Cherry Akbar, sinabi nitong bago pa ang insidente kahapon ay may tumatawag na sa kaniya at nanghihingi ng malaking halaga ng salapi.
Sinabi ni Akbar na pinagbantaan pa siya ng mga tumatawag na may mangyayaring masama kung hindi ibibigay ang hinihingi nilang halaga.
Dagdag pa ni Antonio, nakipagpulong na rin sila sa mga opisyal ng military sa Basilan para higpitan pa ang seguridad sa lalawigan.
Partikular na ipinag-utos ang paglalagay ng mga checkpoints sa lungsod upang hindi makalusot ang mag suspek.
Kahapon isang improvised explosive device ang sumabog na inilagay sa nakaparadang tricycle sa harap ng bahay ni Akbar na nation sa pagdaan ng convoy ni Vice Mayor Abdulbaki Ajibon.
Sugatan sa insidente si Ajibon, habang agad na nasawi ang tatlo nitong security escorts at hindi naman umabot ng buhay sa ospital ang isa pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.