MRT-3, walang naitalang aberya sa loob ng nagdaang isang linggo
Ibinida ng pamunuan ng MRT-3 na isang linggong hindi nakaranas ng aberya ang kanilang mga pasahero.
Ayon sa media relations officer ng MRT-3 na si Aly Narvaez, wala silang naitalang service interruption at pagpapa-baba sa mga pasahero sa loob ng nagdaang pitong araw mula noong February 21.
Malaki rin aniya ang ibinaba ng mga insidente ng pagkaantala ng kanilang serbisyo at pagbabawas ng mga tren.
Ang huling naitalang unloading incident ay noong February 21 kung saan nasa 900 na mga pasahero ang kinailangang bumaba dahil sa aberya sa MRT-3.
All-time high aniya ito sa kanilang record mula nang mag-take over ang MRT-3 Maintenance Transition Team o MTT na pumalit sa Busan Universal Rail Inc. (BURI).
Ibinahagi rin ni Narvaez sa INQUIRER.net na nagsimulang magdatingan ang mga bagong biling spare parts para sa mga bagon noong ikalawang linggo ng Pebrero na magpapatuloy hanggang ngayong buwan ng Marso.
Dahil dito ay sinimulan na rin nila ang unti-unting pagkakabit ng mga piyesa na maari namang gawin kahit na hindi maantala ang kanilang operasyon.
Gayunman, ang buong pagpapalit talaga ng mga piyesa ay gagawin nila sa Holy Week na taunang maintenance shutdown ng MRT.
Ipinapakita lang aniya nito na hindi nila isinasakripisyo ang kalidad ng kanilang serbisyo kasabay ng pag-aksyon at pagpapatupad nila sa mga plano at solusyon upang mapabuti ang operasyon ng MRT.
Target ng pamunuan ng MRT-3 na makapagbigay ng malaking pagbabago sa operasyon nila pagkatapos ng Holy Week dahil inaasahang sasailalim sa overhaul ang lahat ng mga tren sa nasabing panahon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.