Nabawasan ang bilang ng traffic constables ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa katiwalian.
Ayon sa MMDA, sa nakalipas na siyam na buwan ay marami ang nagbitiw sa pwesto o nasibak sa hanay ng mga traffic constables.
Sa tala ng ahensya mula Mayo, nalagasan sila nang mahigit 30% sa bilang ng kanilang mga tauhan, mula sa dating 3,180 ay bumaba ito sa 2,158 ngayong buwan.
Ayon kay Jojo Garcia, acting general manager ng MMDA, ang mga nagbitiw sa pwesto o sinibak sa pwesto ay posibleng dahil “guilty” sila sa mga alegasyon gaya ng extortion.
Nasa 7,000 constables ang ideal na bilang para maging epektibo sa pagmamando ng trapiko sa Metro Manila.
Sinabi naman ni Garcia na bagaman mas kaunti ang kanilang traffic constables ay hindi naman ito nangangahulugang hindi na sila magiging epektibo sa kanilang trabaho.
Iginiit ng opisyal na ang mga naiwang tauhan ngayon ay mas tutok sa pagpapatupad ng batas trapiko kaysa mangikil sa mga motorista.
Dagdag ni Garcia, nilulubos ng MMDA ang paggamit sa CCTV cameras para hulihin ang mga motoristang lumalabag sa batas trapiko sa pamamagitan ng no-contact apprehension.