Isang simulation exercise ang isasagawa ngayong araw sa Davao City sa pagtugon sa banta ng terorismo.
Ang exercise ay pangungunahan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan titignan ang kahandaan ng mga otoridad sa pagtugon kung sakaling magkaroon ng banta ng terorismo gaya ng naganap sa Marawi City noong nakaraang taon.
Ayon kay P/Chief Insp. Nolan Raquid, hepe ng Sta. Ana police station sa Davao City, kabilang sa ipapakita ang pagtugon ng mga otoridad by land, by sea at by air.
Bahagi ng scenario ang kunwaring pagkakaroon ng terrorist threat sa lungsod na siyang tutugunan ng mga otoridad.
Ang nasabing simulation exercise na tinawag ng PNP na “Project Southern Storm” ay una lamang sa serye ng ng mga exercise na isasagawa. Target ng PNP na gawin din ito sa Visayas at NCR.
Layon nitong hindi na maulit ang naganap sa Marawi City na kinubkob ng ISIS-inspired na Maute Group.
Dadaluhan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang aktibidad, mga opisyal mula sa PNP at Department of Interior and Local Government (DILG).