High-profile Korean fugutive, naaresto sa Pampanga
Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang high-profile na puganteng Koreano sa Angeles, Pampanga.
Paliwanag ni Immigration Spokesperson Atty. Elaine Tan, si Lee Sang Te ay naaresto sa isang hotel casino sa Angeles.
Aminado si Tan na hindi madali ang naging operasyon ng BI dahil gwardiyado si Lee ng mga armadong bodyguards at katunayan, may mga nakiusap pa umano itong mga opisyal mula sa ibang ahensya ng gobyerno para pigilan ang pag-aresto sa dayuhan.
Gayunman, hindi na ibinunyag ni Tan kung sinu-sino ang mga opisyal sa gobyerno na nagtangkang magbigay ng proteksyon kay Lee.
Si Lee ay pinaghahanap ng mga otoridad sa Korea dahil ito umano ay myembro ng Korean Mafia at may kinakaharap ding kaso na “inflicting bodily injury resulting from robbery”.
Nabatid na si Lee ay nagsimulang magtago sa Pilipinas simula taong 2009.
October 4, 2013 nang magpalabas ang BI ng summary deportation order dahil sa pagiging undocumented at undesirable alien.
Tiniyak naman ni Tan na sa lalong madaling panahon ay ipadedeport nila si Lee pabalik ng Korea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.