Nakatikim ng sermon kay Senator Cynthia Villar ang National Food Authority (NFA) dahil sa paglikha ng panic nang maglabas ng pahayag tungkol sa kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa.
Ilang minutong nilitanyahan ni Villar si NFA administrator Jason Aquino nang dumalo ito sa pagdinig ng committee on agriculture.
Ayon kay Villar na siyang chairperson ng komite, nagulat siyang naglabas pa ng press release ang NFA tungkol sa umano ay kakapusan ng suplay ng bigas, na lalong nagdulot lang ng panic sa publiko.
Dagdag pa ni Villar, hindi naman totoong kapos ang suplay ng bigas sa bansa dahil tanging ang NFA rice lang ang kakaunti ang stocks.
Samantala, sa nasabi ring pagdinig, sinabi ni Senator Grace Poe na dapat mayroong managot sa price fixing sa bigas.