Haharap sa pagdinig ng House Justice Committee ngayong araw ang dalawang psychiatrist na sumuri kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong nag apply ito sa pagka punong hukom.
Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, kinumpirma nina Dr. Genuina Ranoy ng St. Luke’s Medical Center at Dr. Dulce Liza Sahagun ng The Medical City ang pagdalo sa pagdinig.
Ang dalawa ay tatanungin ng mga miyembro ng komite kaugnay sa sinasabing “4” na rating na ibinigay kay Sereno noong 2002 kung saan “5” ang pinakamababa.
Bukod sa dalawa, inaasahan din ang pagdalo ni Dr. Rhodora Conception, Presidente ng Philippine Psychiatric Association na haharap sa komite bilang isang expert witness.
Dadalo rin si Judge Juanita Guerrero ng Muntinlupa RTC na nabigong makadalo noong nakalipas na pagdinig kung saan tatanungin siya sa sinasabing pagpigil ni Sereno na magpalabas ng arrest warrant laban kay Sen. Leila De Lima.
Maliban sa mga ito, muling haharap sa pagdinig ang mga regular member ng Judicial and Bar Council gayundin ang iba pang mga opisyal ng Supreme Court.
Sinabi ni Umali na ngayong araw na rin ang huling pagdinig ng kanyang komite sa pag alam kung may probable cause ang reklamong impeachment laban kay Sereno.