Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kayang tuparin ang kanyang pangako noong panahon ng kampanya na tuluyang tuldukan ang ‘endo’ o end of contract o kontraktuwalisasyon sa Pilipinas.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa inagurasyon ng bagong shooting range ng Armscor sa Buhangin Davao City, sinabi nito na hindi kakayanin ng mga kapitalista na mabigyan ng kinauukulang benepisyo ang mga manggagawa.
Aminado ang pangulo na hindi rin niya mapipilit ang mga kapitalista na ibigay ang lahat sa mga manggagawa.
Dahil dito, sinabi ng pangulo na pinag-aaralan na niya na magkaroon na lamang ng kompromiso na magiging katanggap- tanggap sa lahat.
“I don’t think that I can really give them all kasi hindi naman natin mapilit ‘yung mga kapitalista na…kung walang pera o ayaw nila o tamad. Don’t make it hard for them to run the business the way they like it because that’s their money. So something of a compromise must be… maybe acceptable to everybody.”
Matatandaang noong panahon ng kampanya para sa 2016 Presidential elections, ipinangako ng pangulo sa taumbayan na tutugunan niya ang ‘endo’ sa unang anim na buwan ng kanyang panunungkulan sa Palasyo ng Malacañang.