Pagdinig ng Kamara kaugnay sa Dengvaxia controversy tatapusin na ngayong araw
Tatapusin na ngayong araw ng kamara ang pagdinig na isinasagawa nito kaugnay sa kontrobersiyal na anti-dengue vaccine program ng pamahalaan gamit ang Dengvaxia.
Ayon kay Surigao Rep. Johnny Pimentel, chairman House Committee on Good Government and Public Accountability ngayon ang ikalimang pagdinig ng kanyang komite katuwang ang House Committee on Health.
Sinabi ni Pimentel na nagpasabi nang dadalo sa pagdinig si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Nais malaman ng komite kay Aquino kung totoong nagbigay siya ng otorisasyon para sa realignment ng savings ng dating administrasyon upang magamit ang pera sa Dengvaxia.
Malinaw ayon kay Pimentel na mayroong ‘undue haste’ o minadali ang paglalabas ng pondo upang mabili ang Dengvaxia at maipatupad ang programa.
Tiyak na rin ayon kay Pimentel na may mananagot na mga dating opisyal ng nagdaang administrasyon.
Bukod kay Aquino, dadalo rin sa pagdinig sina dating Budget Sec. Butch Abad, dating Health Sec. Janet Garin, PAO Chief Percida Rueda-Acosta at ang mga health expert mula sa Philippine General Hospital na binuo ng DOH.
Sa labingsiyam na bansa aniya sa buong mundo na naging available ang Dengvaxia, ang Pilipinas ang pinakaunang bumili nito at ang Pilipinas din ang may pinakamaraming binili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.