Sa panayam ng Inquirer, sinabi ni ginang Eva Demafelis na kung ano man ang ginawa ng mag-asawang dayuhan sa kanilang anak ay dapat ring sapitin ng mga ito.
Ang naging pahayag ni ginang Eva ay reaksyon nito makaraang makarating sa kanya ang balita na nahuli na at kapwa nasa kustodiya na ng mga otoridad ang Lebanese na employer at Syrian na asawa nito na inaakusahang pumatay sa biktimang si Joanna noong 2016.
Bagamat matagal nang patay, nito lamang nakaraang buwan nadiskubre ang bangkay ng biktima na isinilid sa loob ng isang freezer sa inabandonang apartment ng mag-asawang suspek sa Kuwait.
Ayon pa sa pamilya Demafelis, kahit paano ay magiging magaang ang kanilang damdamin sa oras na ihatid na sa huling hantungan ang labi ni Joanna ngayong batid nilang naaresto na ang gumawa ng karumal-dumal na krimen sa kanilang kaanak.