Pang. Duterte, mas magandang hindi dumalo sa Edsa day – Sen. Bam Aquino
Mas maganda na hindi na dumalo sa paggunita ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power one sa People Power Monument sa Quezon City si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Senador Bam Aquino na ito ay dahil sa tiyak na mapupunta lamang ang atensyon at focus sa pangulo at hindi sa tunay na diwa ng People Power.
“Sa totoo lang na ngayon ay maraming atake sa mga democratic institution, maraming pahayag na mas dictatorial na pamamahala, siguro mas maganda na rin na hindi na pumunta si Pangulong Duterte.” ani ng nakababatang Aquino.
Sinabi pa ni Aquino na ang People Power ay nasa tao at hindi sa mga opisyal ng gobyerno.
Dagdag pa ni Aquino, dapat na itanong sa taong bayan kung ipinaglaban ba o isinuko na ang diwa ng EDSA People Power Revolution na labanan ang korupsyon at itaguyod ang demokrasya at kalayaan.
Aniya pa, “Kung isang grupo o isang taong lang ang naririnig o namamahala, aabot din tayo noong ’80s at babagsak ang ating bayan. Maganda 32 years later, maganda pag isipan pa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.