Sakaling dumating na mula Japan ay agad na ipadadala ang bagong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Philippine Rise upang magpatrolya.
Ang ikapitong multi-role research vessel na ito ay bahagi ng kabuuang sampu na binubuo ng Japan Marine United Corporation sa ilalim ng Official Development Assistance Project ng Japan.
Ayon kay PCG spokesman Captain Armand Balilo, pangangalanan itong BRP Cape San Agustin.
Nilisan na nito ang Yokohama, Japan at inaasahang darating sa Maynila sa araw ng Huwebes.
Agad na isinasaayos ang commissioning ceremony para sa bagong barko upang maideploy na agad sa Philippine Rise.
Kasalukuyan nang nasa naturang teritoryo ang BRP Suluan habang isa pang barko na manggagaling sa Cagayan ang nakatakda ring ideploy.
Ang deployment ng mga barkong ito ay bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Duterte na bantayan ang Philippine Rise at itaboy ang mga foreign vessels na mahuhuling nasa ibabaw ng katubigan nito.