Isa pang suspek sa pamamaslang kay Joanna Demafelis, naaresto na
Nasakote na ng mga otoridad ng Damascus, Syria ang isa pang employer at suspek sa pamamaslang sa overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis.
Ibig sabihin, kapwa na arestado sina Nader Essam Assaf at asawa nitong si Mona Hassoun.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano, mismong ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang naghatid ng balita tungkol sa pagkakaareso ni Hassoun.
Dagdag pa ng kalihim, inihahanda na nila ang kasong isasampa laban sa mag-asawa na siyang titiyak sa hustisyang sigaw ng pamilya ni Demafelis. Aniya pa, ito ang mahigpit na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa naturang insidente.
Nakipagtulungan sa Interpol ang pamahalaan ng Kuwait upang madakip ang mga suspek. Sa bansang Syria naaresto si Hassoun at napag-alaman noon pang nakaraang taon ito namalagi sa nasabing bansa, habang sa Lebanon naman unang naaresto si Assaf.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.