Ayon sa Phivolcs, nadiskubre nilang ninakaw ang power supply equipment sa hydrology monitoring station ng ahensya sa Barangay Padang sa Legazpi.
Matapos ang inspeksyong isinagawa noong Biyernes ay napag-alaman ng Phivolcs personnel na nawawala ang dalawang battery packs at dalawang solar panels.
Ayon kay Phivolcs resident Volcanologist Dr. Ed Laguerta, ang pagkawala ng power supply ay nakaapekto sa operasyon sa hydrology monitoring station.
Ang naturang istasyon ay responsable sa pagkolekta at pagbasa sa mga datos sa temperatura, salinity at pH level ng tubig.
Noong Enero ay nanakaw din ang mga kaparehong gamit sa istasyon ng Phivolcs sa bayan ng Santo Domingo na nagmomonitor sa pagbuga ng sulfur dioxide ng Bulkang Mayon.
Muling umapela ang Phivolcs sa publiko na huwag nakawin ang mga kagamitan sa kanilang mga istasyon dahil makakaapekto ito sa monitoring at assessment sa kondisyon ng Bulkan.
Sa kasalukuyan ay nananatiling nasa Alert Level 4 ang Mayon matapos itong magpakita ng malalang aktibidad mula Enero.