5 pasaherong may dalang P2.4M cash, pinigil sa NAIA

Arestado ang lima katao sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos magtangkang ilabas ng bansa ang P2.4 milyong cash.

Ayon kay Bureau of Customs (BOC) shift supervisor Anthony Relucio, nagpakilala ang mga suspek bilang mga negosyante na pupunta ng Dubai para magbakasyon.

Nasa final security screening na ang mga suspek nang nakita ng mga otoridad ang kanilang dalang cash. Hindi pa malinaw kung paano nakalusot ang mga suspek sa security x-ray sa entrance ng paliparan.

Ayon kay Relucio, ibinalik ang tig-P50,000 sa limang mga suspek. Paliwanag niya, ito lamang kasi ang halagang pwedeng ilabas ng bansa ng mga turista. Habang kinumpiska ng BOC ang natitirang halaga at isasailalim sa seizure proceedings.

Hindi na pinayagan pang makalipad ang mga suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng BOC police.

Depensa ng isa sa mga naaresto hindi niya alam na lumabag pala sila sa batas.

Gayunpaman, mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Bangko Sentral ng Pilipinas Circular No. 922 o cross border transfer of local and foreign currency at Section 101 ng Customs Modernization Tariff Act.

Read more...