Sa kanyang statement, inalala ng pangulo ang okasyon na simbulo aniya ng determinasyon ng mga Pilipino na ipaglaban kung ano ang tama.
Sinabi ni Duterte na nawa’y magbigay-daan ang okasyong ito para sa pagkakaisa at katatagan ng mga Pilipino.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na pagyamanin pa ang demokrasya sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga mamamayan, pagtanggol sa kanilang karapatan at pagpapalakas ng mga ahensya na nagbabantay sa kalayaan ng publiko.
Narito ang kabuuan ng mensahe ni Pangulong Duterte:
MENSAHE
Nakikiisa ako sa buong sambayanan sa paggunita sa ika-32 Anibersaryo ng People Power Revolution.
Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas nang ipamalas natin sa buong mundo ang ating tapang at paninindigan na baguhin ang landas ng ating kasaysayan.
Simula noon, ang Rebolusyon sa EDSA ang nagsilbing sagisag ng ating paninindigang ipaglaban ang tama at – sa mga mapanubok na yugto ng ating nakaraan – ipagtanggol at ipagsanggalang ang ating malayang pamumuhay.
Nawa ay pagkaisahin tayo ng okasyong ito sa pagtupad ng ating mga adhikain at mithiin para sa ating bayan. Pagyamanin pa natin ang ating demokrasya sa ating mga mamamayan, pangangalaga sa kanilang mga karapatan at pagpapatatag sa mga institusyong nagtataguyod ng kanilang kalayaan.
Hangad ko ang isang makabuluhang pagdiriwang para sa lahat.
Rodrigo Roa Duterte