Tolentino, itinangging ‘niregalo’ ang ‘Playgirls’ kay Agarao
Itinanggi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na siya ang ‘nagregalo’ ng trio ng ‘Playgirls’ na binabatikos ngayon sa social media dahil sa pagsasayaw ng malaswa sa birthday party ni Laguna 4th Disrict Representative Benjie Agarao kahapon.
Giit ni Tolentino, posibleng nagkamali lamang ang emcee ng naturang palatuntunan nang ianunsyo nito na siya ang nagbigay ng ‘surprise gift’ sa mambabatas na nag-celebrate ng kanyang ika- 58 taong kaarawan kahapon sa Sta. Cruz, Laguna.
Siya pa nga umano mismo ang nagsabi sa tatlo na magsuot ng palda sa kanilang performance.
Gayunman, sa report ng Inquirer, mismong ang emcee ng programa ang nagsabi na si Tolentino ang nagregalo ng performance ng ‘Playgirls’ kay Rep. Agarao matapos ang oath-taking ng may 80 politiko sa Liberal Party sa Sta. Cruz.
Nanood pa si Tolentino ng sayaw ng all-girl group bago ito umalis.
Sa videona kumakalat sa social media, makikita ang malaswang pagsasayaw ng grupo na suot lamang ang underwear.
May pagkakataon pa na humila ng lalake na bahagi ng audience ang isa sa mga babae at ito’y pinahiga at ‘kinubababawan’ sa itaas ng entablado sa harap ng daan-daang mga nanonood na kinabibilangan ng mga kababaihan at mga bata.
Si Tolentino ay naghayag na ng kanyang interes na tumakbo sa pagka-senador sa susunod na taon./ Jay Dones
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.