Ipinatawag sa Malakanyang si United States Ambassador to the Philippines Sung Kim.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ang US official ay ipinatawag sa tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Tinalakay aniya ng dalawa ang Worldwide Threat Assessment report ng US Intelligence Community na nagsabing si Pangulong Rodrigo Duterte ay banta sa demokrasya sa Southeast Asia.
Kaugnay nito, inatasan ni Medialdea ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng Philippine embassy sa Washington D.C. na makipag-ugnayan sa US Intelligence Community.
Partikular na iniatas ni Medialdea sa mga opisyal at staff ng embahada ng Pilipinas sa Washington na bigyan ng tamang impormasyon ang US Intel hinggil sa totoong nagaganap sa Pilipinas.
Kabilang dito ang mga hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang pamahalaan sa promosyon ng socioeconomic development at ang pagbibigay ng safe at secure na komunidad para sa lahat ng mamamayan habang ipinaiiral at inirerespeto ang rule of law.