Natunton na ang isang Pinay domestic helper na unang inulat na comatose sa Kuwait na ligtas sa Saudi Arabia.
Nakumpirma ng mga otoridad na nasa isang deportation center sa Dammam si Norisa Manambit.
Ayon kay Philippine Overseas Labor Office (POLO) Kuwait officer-in-charge Nestor Burayag, nalaman nila ang kinalalagyan ni Manambit sa pamamagitan ni Dr. Amelito Santiago Adel, myembro ng OWWA augmentation sa Dammam.
Kinumpirma rin ni Romy Salazar, asawa ng OFW, ang kanyang pagkakakilanlan matapos ipakita ang video ni Manambit mula sa foreign recruitment agnecy sa Dammam.
Matatandaang ipinost ng isang Pinay nurse ang video ng isang pasyente na kinilala niya bilang si Manambit umano.
Nilibot ng Philippine Embassy at POLO sa Kuwait ang mga ospital sa naturang bansa pero hindi ito natunton doon.
Nadiskubre na isang Pinay ang na-comatose sa Amiri Hospital sa Kuwait.
Ayon kay Russel Grace Ocampo, assistance to the nationals unit sa Philippine Embassy, nakilala ang pasyente na si Lelebeth Mendoza.
Si Mendoza ay 47 taong gulang na naospital dahil sa hypertension at aneurysm nooong February 16.
Ayon kay Ocampo, nakikipagtulungan ang employers ni Mendoza, at patuloy na binabantayan ang kanyang kondisyon.