Tinanggihan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang alok na maging running mate siya ni Vice President Jejomar Binay sa 2016 elections.
Sa panayam kay Estrada sa kaniyang pagdalo sa pagdiriwang ng ika-117 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park, sinabi nitong tapos na siya sa pagiging Bise Presidente.
Sinabi ni Estrada na madami pa siyang kailangang gawin sa Maynila at ito ang mas nais niyang pagtuunan ng pansin.
“Tapos na ‘yun. Marami pa akong gagawin dito sa ating lungsod ng Maynila. I’ve been there. Tama na. Natapos na ako du’n,” ayon kay Estrada
Si Estrada kasama si Vice Presidente Jejomar Binay ay nanguna sa Independence Day Activities na idinaos sa Rizal Park sa Maynila.
Una nang lumutang ang balita na maaring si Estrada ang kuning ka-tandem ni Binay sa 2016.
Sinabi mismo ni Binay na nangyari naman na noon ang pagiging magka-tandem nila ni Erap, noong tumakbo si Erap sa pagka-Pangulo at si Binay naman sa pagka-Bise Presidente, taong 2010.
Binigyan pa ni Binay ng bansag ang kanilang tandem bilang “BEst” o Binay-Estrada./Dona Dominguez-Cargullo