Kapakanan ng mga Filipino, hindi dapat isakripisyo sa mga utang sa China – Bam Aquino
Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Bam Aquino sa maaaring maging implikasyon ng mga nakatakdang loan agreements ng Pilipinas sa China.
Ito ay matapos ibunyag ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia sa isang joint membership meeting ng Makati Business Club at Philippine Chamber of Commerce and Industry na sa China uutang ang bansa para sa mga infrastructure projects nito.
Sinabi ni Pernia na ito ay sa kabila ng interest rate ng China na 2 to 3 percent kumpara sa 0.25 to 0.75 percent lang ng Japan.
Ayon kay Aquino, trabaho ng gobyerno na ibigay sa publiko ang ‘best agreement’ at hindi ang ipagpalit ang kapakanan ng taumbayan para lamang sa ‘pakikipagkaibigan’ sa ibang bansa.
“The government owes it to the people to secure the best agreement, and not pursue a ‘friendly deal’ that will later burden the Filipino people”, ani Aquino.
Dapat anya na alalahanin ng pamahalaan na ang mga Pilipino ang magpapasan ng bunga ng mga utang na ito sa pamamagitan ng mga babayarang buwis.
Ayon sa senador, mabigat ang magiging kapalit ng pakikipag-ibigan ng Pilipinas sa China dahil sa posibleng pagkabaon ng bansa sa utang bunsod ng mataas na interes.
Dahil dito, nakatakdang maghain si Aquino ng resolusyon na sisiguro na magiging ‘transparent’ ang lahat ng kasunduang papasukin ng gobyeno hindi lamang sa China kundi sa ibang bansa.
Ito anya ay upang masiguro na nakukuha ng mga Filipino ang ‘best deal’ para sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.