Australia pinataob ang Gilas sa FIBA World Cup Qualifiers
Bigo man na manalo ay pinahirapan ng Gilas Pilipinas ang Australia sa kanilang laban sa FIBA World Qualifying game sa Margaret Court Arena sa Melbourne, Australia kahapon.
Wagi ang Australia sa iskor na 84-68 dahilan upang manguna ito sa group B sa record na 3-0 habang ang Pilipinas naman ay nasa ikalawang pwesto sa record na 2-1.
Sa umpisa ay dikit ang sagupaan ng dalawang koponan kung saan nagawa pang lumamang ng Pilipinas sa sikor na 30-25.
Gayunman, pagsapit ng third quarter ay nagpamalas ng 9-1 run ang Australia dahilan para maitala ang iskor na 63-49 at hindi na nakadikit pang muli ang Gilas.
Sa tulong ni Matthew Hodgson ay naitala pa ang 16-1 run hanggang 4th quarter na nagresulta sa 70-49 na iskor pabor sa Australia.
Bilib naman si Gilas coach Chot Reyes sa ipinamalas ng kanyang koponan.
Nanguna si June Mar Fajardo para sa Gilas na tanging Filipino na nakapagtala ng double figure score o 15 puntos para sa koponan ng bansa.
Si Cameron Gliddon at John Brandt naman ang nanguna para sa Australia sa kanilang 16 at 13 points.
Sunod na makalalaban ng Gilas Pilipinas ang Japan sa Mall of Asia Arena sa Linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.