Inatasan na ni Environment Sec. Roy Cimatu ang mga security escorts na huwag magdala ng matataas na kalibre o mahahabang baril habang nagbabantay sa mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Boracay Island.
Sa panayam ng INQUIRER, ipinaliwanag ni Cimatu na pawang mga bagong-talaga sa lugar ang mga sundalong nakita na may dalang matataas na kalibre ng baril habang sinasamahan ang mga taga-DENR na magsilbi ng notices at orders sa mga hinihinalang lumalabag sa environmental laws.
Una nang nagpahayag ng pagka-alarma ang ilang resort owners at residente sa isla dahil sa presensya ng mga sundalo at pulis kasama ng mga taga-DENR na may dalang malalakas na uri ng armas.
Ayon sa isang hotel operator, isang pamilya ng mga dayuhan ang biglang nag-check out sa kanilang hotel dahil sa takot.
Ngayong may kautusan na si Cimatu kaugnay nito, pawang mga pulis na nakasuot ng tourist police uniform na binubuo ng shirt, short pants at bullcap na lang, habang ang baril ng mga ito ay nakasukbit na lang sa kanilang tagiliran.
Ipinaliwanag naman ng PNP Western Visayas na kaya ganoon ang security escort ng DENR ay dahil isang sensitibong isyu ang land occupation at ownership sa Boracay, at na armado din ang mga guwardya ng ilan sa mga negosyante doon.