Mga grupong tutol sa TRAIN law, bumuo ng koalisyon
Nagsanib puwersa ang iba’t ibang militanteng grupo at consumer group sa pagkontra sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon sa Stakeholders Oppose to TRAIN o Stop Train lubos nang nararamdaman ang epekto ng batas dahil sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ibinigay nilang halimbawa ang pagtaas ng halaga ng mga produktong-petrolyo, bigas, mga pagkain at serbisyo.
Anila dahil din sa TRAIN Law naapektuhan na ang mga malilit na negosyo na maaring humantong sa pagsasara.
Samantalang ang malalaking negosyo naman gaya ng Coca Cola Phils., ay nagbabawas na ng mga manggagawa.
Giit ng koalisyon dapat nang ipawalang bisa ang naturang batas na anila sa kabilang banda ay ilegal naman naipasa sa Kamara.
Bukod pa dito, ang hindi naman pagbabayad ng buwis ng mga ordinaryong manggagawa dahil sa TRAIN Law ay hindi rin napapakinabangan dahil ang natipid sa suweldo ay napupunta sa dagdag gastusin para sa mga pangunahing pangangailangan.
Samantala, magkakasa ng Black Friday protests ang koalisyon simula sa unang Biyernes ng Marso sa mga palengke at transport terminals bilang bahagi ng kanilang pagsusulong na mabawi ang Train Law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.