Paglagda ng pamahalaan ng Kuwait at Pilipinas sa MOU, hindi garantiyang aalisin ang deployment ban
Kahit matuloy na ang paglagda sa memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Pilipinas at pamahalaan ng Kuwait, hindi ito magiging garantiya pa ra i-lift o alisin ang pinaiiral na deployment ban sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) doon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III na ikukunsidera pa rin ng gobyerno na panatilihin ang deployment ban para sa mga household service workers (HSWs) sa Kuwait kahit magkaroon na ng MOU.
Hindi aniya biro ang sinapit nga mga Pinoy HSWs sa Kuwait at tiyak na maging ang pamahalaan ng nasabing bansa ay mahihirapang ipaliwanag ang pagkamatay ng pitong Pinoy workers sa loob lamang ng nagdaang dalawang buwan na Enero at Pebrero.
Sinabi ni Bello na noon pa nakalatag ang MOU pero ang nilagdaan lamang ng Kuwait ay ang MOU para sa mga skilled workers habang hindi pinirmahan ang para sa mga HSWs.
“Dalawang MOU iyan para sa mga skilled workers at HSWs. Pinirmahan nila yung sa skilled workers pero yung sa HSWs hindi nila pinirmahan. Pinag-iisipan ko pa, kasi dapat nga sila ang pumunta dito. Ang sabi namin sa kanila kung hindi nila yan pipirmahan ay tuloy ang total ban. Pinag-aaralan din namin na even if they come up with the MOU we will still consider to implement the total ban for the HSWs,” sinabi ni Bello sa Radyo Inquirer
Sa ilalim ng lalagdaang kasunduan, sinabi ni Bello na igigiit nila na hindi dapat hawak ng mga employer ang pasaporte ng Pinoy workers.
Mistula kasi aniyang paghawak ito sa leeg ng mga Pinoy workers at pagsikil sa kanilang karapatan.
Maging ang paghawak ng employers sa cellphone ng mga HSWs ay dapat ding ihinto ayon kay Bello.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.