Nilinaw ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na walang karapatan ang pinuno ng Presidential Security Group (PSG) na kastiguhin ang reporter ng Rappler.
May kaugnayan ito sa naging pahayag ni PSG Commander BGen. Louie Dagoy na binastos ni Pia Rañada ng Rappler ang kanyang mga tauhan nang pagbawalan itong pumasok sa New Executive Building sa Malacañang.
Sinabi ni Dagoy na hindi dapat bastusin ang kanyang mga tauhan na sumusunod lamang s autos kasunod ng pagsasabing magpasalamat si Rañada at hindi siya sinaktan sa kanyang ginawang pangungulit sa kung bakit hindi siya pinayagang pumasok sa Palasyo.
Pinayuhan rin ni Lorenzana ang opisyal na dapat ay ipaliwanag na lang ng maayos kung bakit hindi pinapasok sa Malacañang ang nasabing mamamahayag.
Samantala, nilinaw ni Senior Deputy executive Sec. Menardo Guevarra na suspendido ang accreditation ng Rappler para mag-cover sa loob ng Malacañang.
Ito ay kasunod ng pagsuspinde ng Securities and Exchange Commission sa kanilang certificate of incorporation dahil sa paglabag sa Saligang Batas kaugnay sa foreign ownership ng media entity sa bansa.