Kinuwestyon ni Sen. Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) kung nabibigyan ba ng sapat na kaalaman ang mga OFWs na magtatrabaho abroad bago lumabas ng bansa.
Sa pagsisimula ng Senate investigation kaugnay sa pagkamatay ng OFW sa Kuwait na si Joana Demafelis, iginiit ni Villanueva kung aware ba ang mga OFW sa umiiral na Kafala system sa mga Gulf states.
Sa ilalim ng Kafala o sponsorship system, hindi maaring makalabas ng bansang pinagtatrabahuhan ang isang OFW ng walang kaukulang permiso mula sa kanyang employer.
Isa umanong krimen na tumakas sa employer lalo kapag hindi pa tapos ang kontrata kahit na inaabuso na ang mga ito.
Depensa naman ni Labor Sec Silvestre Bello, sumasailalim sa PDOS o Pre-Departure Orientation Seminar ang mga OFWs upang malaman nila ang sitwasyon sa kanilang pupuntahang mga bansa.