P2M halaga ng hindi rehistradong pampaputi ng kutis, nasabat sa raid sa QC
Sinalakay ng mga tauhan ng Food and Drug Administration (FDA) at District Special Operations Unit (DSOU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang bahay sa dalawang barangay sa Quezon City.
Armado ng search warrants, sinalakay ang bahay na pag-aari ng isang Lilian Marte sa Barangay Paltok at bahay ng isang Michelle Cablayan sa Barangay Bahay Toro.
Naaresto sa operasyon si Marte at iba pang mga suspek na sina Daniel Castillo, Viel Anjoe Somidos, Mylene De Vera, Rommel De Vera, Mark Adrian Roces at Jeffrey Oserio na pawang nagbebenta ng mga hindi rehistradong produkto sa online.
Nakumpiska ng mga otoridad ang kahon-kahong vials ng skin whitening injectables na Glutax 2000GS, Glutax 10000 at Aqua Skin EGF Whitening PROQ10 na pawang hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA.
Ayon kay Randy Quiom, special investigator ng FDA Regulatory Enforcement Unit, maaring magdulot ng side effect ang nasabing mga produkto gaya ng allergy sa makagagamit nito.
Bago ang raid, nagsagawa muna ng test buy ang QCPD sa nasabing mga produkto at saka dinala sa FDA ang sample para masuri. Doon na natukoy na hindi rehistrado ang mga produkto at wala ring license to operate ang negosyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.