WHO, magpapadala ng mga eksperto sa bansa para magsiyasat sa Dengvaxia issue
Sasabak na rin ang mga tauhan ng World Health Organization (WHO) sa pagresolba sa problema sa Dengvaxia dito sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Enrique Domingo, nasa lima hanggang pitong dayuhang eksperto ang darating sa Marso para tumulong sa Department of Health (DOH).
Pawang mula sa mga bansang United States, United Kingdom, Singapore, Malaysia at Thailand ang mga nasabing eksperto na binubuo ng mga epidemiologists, eksperto sa dengue at mga infectious disease, pathologists at iba pang espesyalista.
Ayon kay Domingo, natanggap na nila ang terms of reference sa kanilang consultancy sa WHO at sa ngayon ay isinasapinal na lang nila ang rates ng mga consultants.
Ang WHO rin ang magbabayad para sa nasabing misyon na naglalayong tulungan ang DOH para mas mapalawig ang kaalaman ng mga lokal na eksperto dito sa bansa para masiyasat ang kontrobersya sa Dengvaxia.
Tuturuan lang ng mga WHO experts ang mga experts dito sa bansa dahil hindi naman sila maaring magtagal sa Pilipinas, lalo na’t inaasahan ng DOH na mas maraming batang naturukan ng Dengvaxia ang lulutang sa mga susunod pang taon.
Target aniya ng DOH na makabuo ng isang local team na kakayaning ipagpatuloy ang evaluation at analysis ng mga kaso sa mga susunod na panahon.
Kasalukuyan nang mayroong dalawang team ang DOH na nagmomonitor at nagsisiyasat sa mga epekto ng Dengvaxia sa mga naturukang kabataan.
Excerpt:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.