Deployment ban sa mga OFW, nais din ipataw ni Duterte sa ibang bansa
Ikinukonsidera na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng overseas Filipino workers (OFW) deployment ban sa ibang mga bansa maliban sa Kuwait.
Ayon kay Duterte, wala siyang pakialam kung ulanin siya ng batikos sa kaniyang gagawin dahil ginagawa lang naman niya ang kaniyang trabaho.
Batid ng pangulo na mayroong mga mahihirapan kaya ngayon pa lang ay humihingi na siya ng paumanhin, ngunit hindi niya aniya maaatim na magpunta ang mga Pilipino sa ibang bansa kung saan makakaranas lang sila ng pangmamaltrato.
“The ban will continue and it will extend to other countries. They will have difficulties, well I am apologizing to you. I will not allow. Wala akong plano na ipadala kayo doon tapos babuyin kayo. Hindi ko style ‘yan,” giit ni Duterte.
Samantala nang tanungin si Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi niyang wala pang partikular na bansa na nababanggit si Duterte kung saan balak niya ring magpatupad ng deployment ban.
Pero tiyak na ang sinasabi aniya ng pangulo ay ang mga bansang walang pakundangan sa hindi makataong pag-trato sa mga Pilipinong manggagawa.
Matatandaang una nang nagpatupad ng deployment ban sa Kuwait dahil sa tumataas na kaso ng mga pang-aabuso laban sa mga OFW na ang iba pa ay nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.