Medialdea: Kaso ng Rappler sa SEC, dahilan kaya hindi makakapasok sa Palasyo si Rañada
Makakapasok lang muli sa Malacañang ang mga reporter ng online news organization na Rappler, kabilang na si Pia Rañada, kung maiaayos na nito ang kaso nila sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ito ang ipinaliwanag ni Executive Sec. Salvador Medialdea matapos harangin kahapon ng Presidential Security Group (PSG) si Rañada na papasok sa Malacañang para gawin ang karaniwan niyang coverage bilang Palace reporter ng Rappler.
Ipinaalala ni Medialdea na tinanggalan ng rehistro ng SEC ang Rappler, at dahil dito ay nawalan na rin ng epekto ang accreditation ni Rañada.
Ayon kay Medialdea, kailangan munang ayusin ng Rappler ang kanilang “personality as a local corporation” bago maibalik ang kanilang accreditation.
Samantala, ipinunto naman ni Medialdea na kaya ito ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay dahil sinusunod lang niya ang executory na desisyon ng SEC.
Matatandaang naakusahan ng SEC ang Rappler ng paglabag sa nakasaad sa Konstitusyon kaugnay ng foreign ownership sa mga media outfits.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.