Pinuna ni Senate President Franklin Drilon ang pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa pagpayag ng mga ito na lagyan ng mga naglalakihang billboard ang paligid ng mga major airports sa bansa.
Ayon kay Drilon, nagmistula na aniyang kahabaan ng EDSA ang mga paliparan.
Kinukwestyun din ni Drilon kung saan napupunta ang ibinibayad sa mga billboards. Sa kanyang panig ipinaliawanag ni CAAP Director General William Hotchkiss na nadatnan na raw niya ang nasabing kalakaran sa mga airports.
Umaabot sa isang milyong piso ang kinikita kada buwan ng ahensya mula sa mga billboards kung saan ginagamit ito para sa maintenance operation ng CAAP.
Nabatid na humihingi ang Department of Transportation and Communications ng ng P45Billion na pondo para sa taong 2016 mas mababa ito ng siyam na bilyong piso mula sa kasalukuyang pondo na P54Billion.
Sa naturang hearing, pinuna rin ni Drilon na mahigit sa siyamnapung airports sa bansa, kalahati sa mga ito ang hindi na operational at nakatiwangwang na lamang.
Hinimok ni Drilon ang CAAP na paupahan o makipagpartner sa mga pribadong kompanya para sa pagpapaunlad ng mga nakatiwangwang na na mga lupain sa mga hindi napapakinabangang airports.
Inihalimbawa pa ni Drilon ang Bacolod City Airport na aabot sa tatlumpong ektarya ang lawak ng lumapain na nakatiwangwang lamang sa kasalukuyan.
Idinagdag rin ni Drilon na pwede pang pagkunan ng dagdag na hanapbuhay ang mga lupang hindi ginagamit kapag ang mga ito’y ipinaupa sa pribadong sektor.