Nangaganib na mabuwag ang National Food Authority (NFA) dahil sa kabiguan nito na gampanan ang mandato na mabigyan ng maayos na suplay ng bigas ang mamamayang Filipino.
Ito ang sinabi ni Senadora Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture matapos ang panibagong pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado dahil umano sa hoarding o pagtatago ng bigas ng ilang rice traders.
Inamin ni Villar na inirerekomenda na ng National Economic Development Authority o NEDA ang pagbuwag sa NFA.
Ani Villar, sa isinasagawang pagdinig ng kanyang komite inamin mismo ng NFA na nabigo rin sila na makabili ng bigas sa mga magsasaka para maibenta sa tamang presyo ang palay.
Dahil dito, irerekomenda sa gagawing Committee report na payagan na ang mga rice importers na magimport ng bigas sa bansa basta magbabayad ng taripa sa Bureau of Customs (BOC) para sa karagdagang kita ng gobyerno at sapat na suplay ng bigas sa merkado kasabay na pagpapaunlad ng local rice production sa bansa.