Ayon kay Lorenzana, hindi siya tutol kung ito ang bibilhin lalo’t ito ang gusto ng mga militar.
Gayunman, ang pagpili sa Tacticos ay nangangahulugan ng karagdagang gastos, dahil hindi naman ito ikakabit ng Hyundai Heavy Industries sa mga frigates kung hindi magdadagdag ng bayad.
Sa pagdinig ng Senado tungkol sa kontrobersyal na frigate deal, tinanong ni Sen. Ralph Recto kung bakit hindi na lang Thales ang bilhin kung ito ang sinasabing pinakamagandang klase na ginagamit sa buong mundo.
“Kung sinasabi na malayo ang pagkakaiba, mas maganda ang Thales, bakit tayo bibili ng mas mahinang klase? Kung ang malinaw na ang ginagamit sa buong mundo ay Thales, bakit di natin gamitin ang pinakamaganda?” tanong ng Senador.
Ayon kay Lorenzana, sang-ayon naman siya sa pagbili ng Thales pero ang tanong ay kung handa ba ang gobyerno na magbayad ng mas malaking halaga para dito.
Kailangan kasing magbayad ng karagdagang $7 million o tinatayang P350 million ang gobyerno para makabili ng Tacticos sa bawat warship.
Ayon kay Recto, ang malinaw lang niyang nakikita ay walang makapagsabi sa kanila na mas mabuting gamitin ang Hanhwa kaysa Thales.
“Ang maliwanag sa pagdinig ngayon, walang taong makakapagsabi na mas superior ang Hanwha kesa sa Thales,” ani Recto.
Giit pa ni Lorenzana, kasama naman ang mga opisyal ng Navy sa Technical Working Group nang binuo ang kasunduan at pumayag ang mga ito na Hyundai na ang pipili ng CMS, kaya nagtataka siya kung bakit ngayon ay ayaw na nilang ipaubaya ang pagpili sa Hyundai.
“Nasa Technical Working Group sila mismo nung ginagawa yung kasunduan na yan eh. Pumayag sila na Hyundai ang pipili ng CMS. Tapos ngayon mag implement, sasabihin nila na hindi na pwede ang Hyundai. Eh yun ang nasa kontrata.” giit ng kalihim.
Kung nais aniya ng Navy na Tacticos ang piliin dahil ito ang ginagamit ng karamihan ay hindi na lang sana na-pre-qualify ang Hanhwa.
“Gusto nila ang Tacticos kasi marami ang gumagamit na navies. Kung ganun sana ang gusto nila, huwag na sana na pre-qualify ang Hanwha para Tacticos na lang ang maiwan. Bakit nila ginawa yun?” dagdag pa ni Lorenzana.
Paliwanag naman ni Lorenzana, nakasaad sa procurement law na kung ano ang compliant sa specifications sa kontrata ang siyang pipiliin.