Ikinakasa na ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) ang pagsira sa ilang mga smuggled na luxury vehicles na kanilang nakumpiska.
Sa isang panayam, sinabi ni CEZA Administrator Atty. Raul Lambino na gagawin ang pagdurog sa mga kumpiskadong sasakyan sa susunod na buwan ng Marso.
Aayusin na lamang umano ang schedule ng pangulo para siya ang manguna sa pagdurog ng mga kumpiskadong sasakyan.
Kinabibilangan ito ng mga smuggled na Sports Utility Vehicles (SUVs), sports car at maging ng mga mamahaling big bikes.
Tulad ng sinabi ng pangulo, naniniwala si Lambino na dapat lang na sirain ang mga smuggled na sasakyan dahil pawang mga smuggler rin ang nakikinabang kapag ito ay kanilang isinalang sa bidding.
Ang CEZA ang isa sa mga open ports sa bansa na dating daanan ng mga smuggled vehicles na galing sa ibang mga bansa.