Dayuhan na recruiter ng ISIS at Pinay na GF arestado

Inquirer Photo | Nikko Dizon

Iniharap sa media ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald Dela Rosa ang isang Egyptian national na sinasabing recruiter ng Islamic State.

Bukod sa naarestong si Fehmi Lassqued, iniharap din ang kanyang kasintahang Pinay na si Annabel Salipada na mula sa South Upi sa Maguindanao.

Kuha ni Arlyn dela Cruz

Ang dalawa ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP base sa foreign intelligence report.

Nakuha mula sa apartment sa Maynila ng dayuhan ang ilang sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED).

Nabatid na buwan ng Hulyo at kasagsagan pa ng Marawi siege ay nagre-recruit na si Lassqued ng mga gustong maging IS member.

Sinabi ni Dela Rosa aalamin nila kung ano ang naging tunay na partisipasyon ni Salipada at aniya maaring naging nagsilbi itong interpreter ng kanyang nobyo sa pagkumbinsi sa mga nais sumapi sa international terror group.

Si Lassqued ay tinukoy umano ng foreign intelligence bilang “ISIS Commander” at “negotiator”.

Dagdag pa ng hepe ng pambansang pulisya aalamin nila sa Bureau of Immigration kung paano nakapasok sa bansa ang isang terorista.

Noong July 2016 nang makapasok sa bansa si Lassqued gamit ang pekeng pasaporte.

Mula noon, labas-masok na sa Pilipinas si Lassqued na nagtutungo rin sa Islamabad at Kuala Lumpur.

Nabatid na ang gamit na passport ni Lassqued ay inisyu sa Tunisia.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...