Halos 10,000 Honda units, palpak ang airbag ayon sa DTI
Inabisuhan ng Honda Cars Philippines ang Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa kanilang units na naibenta noong 2013 na may problema sa airbag.
Sa sulat kay Usec. Teodoro Pascua, DTI – Consumer Protection Group, ni Atty. Louie Soriano, administration division head ng Honda Philippines, halos 10,000 units nila ang palpak ang passenger side airbag inflator.
Ang mga units na pinababalik sa Honda dealers ay 8,520 units of Honda City Year Model 2013; 1,259 units of Honda Jazz Year Model 2013; at 172 units of Honda Pilot Year Model 2013.
Paliwanag ni Soriano maaring sumabog ang inflator ng airbag dahil sa sa over-pressure at maaring lumipad ang ilang bakal na posibleng tumama at makasakit sa mga pasahero.
Sinabi pa ni Soriano na papalitan nila ang inflator ng airbag ng libre at maaayos nila ito ng walang isang oras.
Sakaling naibenta na sa iba ang mga apektadong units, nagpapatulong din ang Honda Phils., sa mga original owners na matunton ang mga bagong may-ari ng mga sasakyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.