Pangulong Duterte, tiwala pa rin kay Teo sa kabila ng mga kontrobersya

 

Nananatiling mataas ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Tourism Sec. Wanda Teo.

Ito’y sa kabila pa ng paglabas ng mga kontrobersya tungkol sa diumano’y pagsasama ng kalihim ng mga tauhan sa kaniyang mga biyahe sa ibang bansa kahit na hindi naman kailangang isama ang mga ito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mayroon namang tiwala ang pangulo sa lahat ng miyembro ng Gabinete.

Maliban dito, nagbigay rin naman aniya ng paliwanag si Teo para bigyang linaw ang mga akusasyon laban sa kaniya at naninindigan silang ang lahat ng ito ay may katuwang na kaukulang dokumentasyon.

Matatandaang mariing itinanggi ni Teo ang pagdadala umano niya ng make-up artist sa kaniyang mga biyahe, at iginiit na ang kasama niya ay kaniyang executive assistant.

Naniniwala rin si Roque na lalabas naman ang katotohanan dahil kung executive assistant talaga ang kasama ni Teo, lalabas ito sa official delegation at hindi ito aaprubahan ng Commission on Audit kung hindi appointed ang nasabing tauhan ng kalihim.

Nilinaw naman ni Roque na ang patakaran ng pangulo ay tiyaking may kinalaman sa trabaho ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang pag-biyahe.

Bilang kalihim ng Department of Tourism, kasama aniya talaga sa katungkulan ni Teo ang bumiyahe at ibida ang Pilipinas sa ibang bansa.

Read more...