Mga OFW na umuwi mula Kuwait, aalukin ng libreng skills training ng TESDA
Bilang tulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi mula sa Kuwait, nag-aalok ngayon sa kanila ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng libreng skills training.
Sa ganitong paraan kasi ng pagtulong, mabibigyan ng pagkakataon ang mga nagsi-uwiang OFW na magkaroon ng sarili nilang mga negosyo o kaya ay makahanap ng bagong trabaho.
Matatandaang nagpatupad na ang pamahalaan ng deployment ban para sa mga OFW sa Kuwait dahil sa pagdami ng bilang ng mga kaso ng pang-aabuso at pagpatay sa mga Pinoy na empleyado sa nasabing bansa.
Ayon kay TESDA director Guiling Mamondiong, lahat ng mga regional, provincial at district directors, pati na ang mga TESDA-accredited technology institutions ay inatasang unahin sa libreng training ang mga OFW na naapektuhan ng deployment ban.
Makikipag-ugnayan naman ang TESDA sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para maipaabot nila ang nasabing alok sa mga nagsi-uwiang OFWs.
Maliban sa libre ang mismong training, pagkakalooban din ng allowance para sa pagkain at pamasahe ang mga lalahok dito.
Sa ngayon ay umabot na sa 1,500 ang bilang ng mga OFW na na-repatriate mula sa Kuwait.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.