Ayon sa mambabatas, hindi rin niya nakikitang makakatulong ang pagbibigay ng emergency powers sa ilang ahensya ng gobyerno para masolusyunan ito.
Giit ni Atienza, lalo lang palulubhain ng emergency powers ang problema dahil magiging daan pa ito sa pagpasok ng mas maraming katiwalian.
Oras aniya kasing maibigay ang nasabing emergency powers, masususpinde ang mga batas sa bidding and procurement na posibleng samantalahin ng mga corrupt na opisyal.
Paliwanag ni Atienza, ang problema ay hindi naipatutupad ang mga batas trapiko sa Metro Manila, tulad na lamang ng patuloy na pamamayagpag ng mga iligal na terminal ng bus at jeep.
Maliban dito, itinuro din ni Atienza ang pananatili pa rin ng maraming transport terminals sa EDSA sa Cubao, Quezon City at sa Pasay City.
Ang mga ito aniya ang isa sa mga dahilan kung bakit ultimo Linggo ng umaga ay may trapik pa rin sa Cubao at Pasay dahil nakabalagbag ang mga bus na nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero sa mismong kalsada.
Dahil dito, hinimok ni Atienza na pagtuunan ng pansin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko, at huwag nang isisi pa sa ibang aspeto ang problema dito dahil magagamit lang ito ng may mga tiwali at pansariling interes.