Hindi bababa sa 60 mga atleta na namamalagi sa San Roque Elementary School sa Davao City ang nagreklamo ng pananakit ng tiyan at pagsusuka at diarrhea.
Ang mga estudyante ay namamalagi sa naturang paaralan dahil sa ginaganap na Davao Region Athletic Association o DAVRAA Meet 2018 sa lungsod.
Agad namang rumesponde ang mga kawani ng Davao City health office at isinalang sa pagsusuri ang mga bata.
Sa inisyal na pag-iimbestiga, hinihinalang biktima ng food poisoning ang mga estudyanteng atleta.
Inaalam na ng mga kinauukulan kung ano ang posibleng nakain ng mga bata na dahilan ng pananakit ng tiyan ng mga ito.
Matatandaang noong Sabado, nasa 38 estudyante at guro mula Mati Davao City ang nadala sa ospital matapos makaranas ng kahalintulad na sintomas na dinaranas ngayon ng mga mag-aaral mula sa Tagum City.