Dating barangay captain sa Lapu-Lapu, patay sa pananambang
Patay ang dating chairman ng Barangay Agus sa Lapu-Lapu City na si Remegio “Bo” Oyao, matapos siyang pagbabarilin ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo, gabi ng Linggo.
Isinugod sa Mactan Doctors Hospital si Oyao, ngunit idineklara ding dead on arrival dahil sa mga tinamo nitong tama ng bala sa katawan.
Ayon sa hepe ng Police Station 4 ng Lapu-Lapu City police na si Chief Insp. Juan Capacio, minamaneho ni Oyao ang kaniyang Ford na pick-up truck sa Agus Road, at naipit sa trapik.
Habang hinihintay ni Oyao na umusad ang trapiko, dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo at may suot na face masks ang biglang huminto sa tabi ng sasakyan ng dating barangay captain.
Sa pagkakataong iyon ay naglabas ng baril ang lalaking naka-angkas at nagpaputok sa bahagi ng driver ng pickup kung saan naroon si Oyao.
Agad namang tumakas ang mga suspek.
Bagaman nasawi si Oyao, mapalad namang hindi nasaktan sa insidente ang kasama nito sa sasakyan.
Nagsagawa na ng hot pursuit operation ang grupo ni Capacio, kaakibat ang Intelligence Branch ng Lapu-Lapu City Police Office.
Dati nang nakasuhan dahil sa iligal na droga si Oyao, ngunit nabasura din ang mga kaso laban sa kaniya.
Samantala, nasawi rin sa ambush ang kapatid niyang si Washington “Inday” Oyao noon namang 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.