Limang sundalo ang nasugatan makaraang pasabugan ng improvised explosive device ang kanilang sinasakyan sa Maguindanao.
Ayon kay Chief Supt., Graciano Mijares, hepe ng PNP-ARMM, naganap ang pagsabog sa tulay sa Barangay Meta sa bayan ng Datu Unsay.
Lulan ang mga sundalo ng isang military truck at palapit na sa naturang tulay nang biglang sumabog ang IED, Linggo ng umaga.
Dahil sa insidente, nasugatan sina 1st Lt. Jano Cyril Reyes, Private First Class Maguncia, PFC Purol, PFC Crispo at Pvt. Ramirez.
Agad namang dinala sa ospital ang mga nasugatang sundalo na nagtamo ng mga tama ng shrapnel sanhi ng pagsabog.
Samantala, sa panayam ng Inquirer, inako ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pagpapasabog.
Giit ni Abu Misry Mama tagapagsalita ng BIFF, ang pag-atake sa mga sundalo ay bilang ganti ng kanilang puwersa sa opensiba ng militar sa mga bayan ng Datu Unsay, Datu Salibo, at Datu Saudi Ampatuan nitong mga nakalipas na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.