Maritime patrol at pursuit ops sa Basilan, patuloy pa rin
Nagpapatuloy ang maritime patrol at pursuit operations sa Basilan.
Ito ay bunsod ng nangyaring pag-atake ng grupo ng mga armadong lalaki sa Marine Vessel Kudos sa bisinidad ng Coco at Sibago islands pasado 10:00, Biyernes ng gabi.
Nakatanggap ang Western Mindanao Command ng distress call mula sa Presidential Management Staff at iba pang ahensiya ng gobyerno para tulungan ang naturang cargo vessel.
Sa pangunguna ni Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Rene Medina, agad inalerto ang lahat ng kanilang units at Anti-Kidnapping Joint Task Force ng WestMinCom para mag-deploy ng limang Navy vessels sa lugar.
Ayon kay Medina, katuwang din sa operasyon ang Philippine Air Force (PAF) kung saan dalawang aircraft ang nagsagawa ng aerial patrol sa lugar.
Maliban dito, dalawang watercraft naman ang idineploy ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ni Capt. Ronnie Gil Gavan.
Bandang 11:25, Biyernes ng gabi, nagkaroon ng maayos na komunikasyon ang mga opisyal ng PCG sa mga crew members na lulan ng MV Kudos.
Nang makarating sa naturang cargo vessel, nagsagawa ng inisyal na imbestigasyon ang PCG at binigyan ng medical assistance ang mga ilang crew members na nagtamo ng minor bruises mula sa mga sirang gamit matapos pagbabarilin ng armadong grupo.
Wala namang crew member ang nadakip ng mga armadong lalaki.
Samantala, idineklarang ligtas ang lahat ng crew members, Sabado ng madaling-araw, kasama ang MMRV 402 at navy ship PC386 patungo sa Zamboanga port.
Ayon naman kay Lt. Gen. Carlito Galvez, WestMinCom Commander, ikinalulugod nila na hindi nawala sa tamang pag-iisip ang mga crew members sa kabila ng nangyaring pag-atake.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.