Ex-SSS Commissioner La Viña sa pahayag ng Malacañang: ‘Black propaganda ‘yan’

Pinabulaan ni dating Social Security System (SSS) Commissioner Jose Gabriel La Viña ang paghingi ng milyun-milyong pondo para sa mga proyekto.

Sinabi ni La Viña na lumang black proganda na umano ito laban sa kanya.

Nilinaw ng sinibak na opisyal na isinusulong niya ang epektibong social media strategy para sa SSS, ngunit wala umanong kongkretong panukala ang pamunuan ng ahensya kaya walang anumang inaprubahan o hindi inaprubahan.

Itinanggi rin ni La Viña ang pagsulong sa accreditation ng pitong brokers para sa investments ng SSS. Aniya, naging bahagi lamang siya ng talakayan ng joint committee.

Dagdag ni La Viña, posibleng ang mga alegasyong ito ay ikinalat umano ng investment officers at mga personalidad na kanyang kinasuhan.

Noong Enero, sinampahan ng kaso ng sinibak na opisyal ang 21 opisyal ng SSS sa Office of the Ombudsman.

Kanina, ipinaliwanag ng Malacañang ang dahilan sa pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay La Viña.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ito ay dahil sa pahiling ni La Viña ng P26 milyong pondo para sa kanyang social media show, pag-request ng accreditation ng pitong brokers para sa investment ng SSS, at paninira umano sa apat na executives ng SSS.

Read more...